Probe ng Kamara sa PNP-PDEA shootout sinuspinde

Probe ng Kamara sa PNP-PDEA shootout sinuspinde

Joy Cantos (Pang-masa) – February 28, 2021 – 12:00am

Pero sa Senado, tuloy — Sotto

MANILA, Philippines — Matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang National Bureau of Investigation (NBI) lamang ang tanging ahensya na mag-iimbestiga sa naganap na shootout sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Quezon City, sinuspinde naman ng Kamara ang kanilang nakatakdang imbestigasyon ukol dito.  

Ayon kay 2nd District Surigao del Norte Rep. Robert “Ace” Barbers, chairman ng House Committee on Dange­rous Drugs, ipinagpaliban muna ng kanyang komite ang imbestigasyon sa insidente na itinakda sana bukas, para mabigyang daan at hindi makasagabal sa pagsisiyasat ng NBI sa kaso.

Samantala, inihayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto na tuloy pa rin ang kanilang gagawing pagsisiyasat sa Martes. Gayunman, nilinaw nito na hindi nila direktang iimbestiga­han ang shootout kundi lilinawin lamang nila ang pagbuo at trabaho ng PDEA.

Sinabi pa ni Sotto na sa paglipas ng panahon, ginawang sariling police force ang PDEA samantalang “supervisory” dapat ito. Aniya, hindi dapat nangyari ang shootout sa pagitan ng PNP af PDEA kung sinunod ang intensiyon sa pagkakabuo ng ahensiya.

Ipinatawag na rin at kinausap ni Pangulong Rodrigo Duterte sina PNP chief General Debold Sinas at PDEA chief Wilkins Villanueva kamakalawa ng gabi.

Ayon kay presiden- tial spokesperson Harry Roque, ipinaliwanag ng Pangulo ang dahilan kung bakit ang NBI na ang mangunguna sa im­bestigasyon sa sinasabing “buy-bust” na nauwi sa barilan sa pagitan ng PNP at PDEA. – Malou Escudero

CosmoNews

Comments are closed.