President Marcos, binatikos si Duterte sa ‘papatay ng mga senador’ statement

President Marcos, binatikos si Duterte sa ‘papatay ng mga senador’ statement

— Advertisements —

Binatikos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kampo ng mga Duterte sa mismong balwarte ng mga ito sa  Davao.

Sa political rally ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa Carmen, Davao del Norte, pinuna ni Pangulong Marcos ang mga pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na papatay na lang ng 15 senador para makapasok ang kanilang team.

Ayon kay Marcos, nakakapagtaka na may mga taong iisa lang ang naiisip na solusyon sa lahat ng bagay at ito ang pumatay.

“…Natatakot yata sila sa inyo, eh. Dahil pagka nakita ang lineup ng Alyansa, eh kung anu-ano na ang sinasabi, eh. Eh narinig lang natin nung isang araw, wala daw pag-asa—siguro, wala silang pag-asa kaya papatay na lang sila ng 15 senador. Ay talagang… Sabagay. Mahirap naman ‘yung ibang tao, ang iniisip lang nila—ang kaisa-isang solusyon sa lahat ng problema ay pumatay pa ng Pilipino. Nakapapagtaka kung bakit ganun,” wika ng pangulo.

Una na kasing nabanggit ni dating Pangulong Duterte ang nasabing statement sa proclamation rally ng kanilang team sa Club Filipino, San Juan City noong Huwebes, Pebrero 13, 2025.

“Ngayon, marami kasi sila. Ano ang dapat gawin natin? ‘Di patayin natin ‘yung mga senador ngayon para mabakante. Kung makapatay tayo-tayo ng mga 15 na senador, eh pasok na tayo lahat,” wika ng dating pangulong Duterte.

“Pero kawawa naman. Pero nakakainis kasi ‘yang—hindi naman lahat—pero talking of opportunities, the only way to do it is to pasabugin na lang natin ‘yang ano,” pahabol pa ng dating presidente.

Nabatid na nasa Davao ang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas o administration slate para sa kanilang paglilibot para sa kampanya.

Iniulat naman ng Bombo Radyo Davao na may ilang umalis sa venue matapos ang talumpati ni President Marcos.

CosmoNews

Comments are closed.

CosmoNews@2020. All Rights Reserved