Hindi pa rin isinasantabi at nananatiling opsiyon ng administrasyon ang panukalang tapyasan ang taripa ng mga inaangkat na bigas ng Pilipinas ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan.
Ginawa ng kalihim ang pahayag kasunod na rin ng pagbasura ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa naturang panukala.
Paliwanag pa ng opisyal na hindi madaling bawasan agad ang taripa sa rice imports, kailangan pang dumaan ito sa ilang serye ng konsultasyon kayat matagal bago tuluyang maisakatuparan ang pagtapyas ng taripa.
Kapag nais aniyang baguhin ang taripa kailangang tiyaking tama ang impormasyon at ang naturang impormasyon ay inaasahang magtatagal dahil hindi madaling maibalik ang taripa.
Sinabi din ng NEDA chief na ang pinaiiral na price ceiling sa regular at well-milled rice ay maaaring alisin sa lalong madaling panahon dahil batid aniya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panganib nito.
Inihayag din ng kalihim na nakikipagtulungan ang pamahalaan sa DSWD sa pagbibigay ng tulong sa vulnerable groups kaakibat ang kaukulang hakbang sa oras na tanggalin na ang price cap.
Para sa pangmatagalng solusyon naman, tinatrabaho na ng pamahalaan ang pamumuhunan sa imprastruktura gaya ng farm-to-market at pakikipagtulungan sa mga pribadong sektor para mag-invest sa rural areas.