P10 milyon na halaga ng tulay sa Nueva Vizcaya kasado na

P10 milyon na halaga ng tulay sa Nueva Vizcaya kasado na

(DAR photo)

Naglaaan ang Department of Agrarian Reform ng P10 milyong pondo para sa pagpapagawa ng imprastraktura sa Nueva Vizcaya.

Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer Dindi Tan, isang tulay ang ipatatayo para mapabuti ang pamumuhay ng 1,013 agrarian reform beneficiaries (ARBs) at iba pang residente ng mga kalapit na barangay ng Barangay Wacal, Solano, Nueva Vizcaya.

Ayon kay Tan, ang Wacal Bridge ay may habang 20 linear meter na may dalawang (2) magkabilang kalsada na gawa sa bakal at ipatutupad asa ilalim ng proyektong “Tulay ng Pangulo para sa Kaunlarang Pang-Agraryo” (TPKP) ng ahensiya.

“Sa pamamagitan ng proyektong ito, ang ating mga magsasaka ay magkakaroon ng mas mabilis na daan upang maibiyahe at maibenta ang kanilang mga produkto sa iba’t-ibang pamilihan at trading centers. Bukod sa mga magsasaka, ang iba pang residente ng mga kalapit na barangay ay hindi na dadaan sa mahaba at bakubakong ruta sa kanilang mga pupuntahan, lalung-lalo na ang mga estudyante na pupunta sa kanilang mga paaralan  kapag bumalik na sa normal ang ating pamumuhay,” ani Tan.

Idinagdag rin ni Tan na ang proyekto ay matatapos sa loob ng 130 araw, kung saan magagamit na ito sa panahon ng tag-ulan.

“Ang ating mga ARBs ay nag-aabang na sa pagtatapos ng proyektong ito dahil maiiwasan na nila ang hirap na dulot ng tag-ulan sa pagbibyahe ng kanilang mga produkto. Nagpapasalamat ako kay DAR Secretary Brother John Castriciones dahil sa kanyang liderato naipatupad ang proyektong ito,” pahayag ni Tan.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

CosmoNews

Comments are closed.