Maimpluwensiyang si Ex-US VP Dick Cheney, kinumpirmang iboboto si Kamala Harris sa 2024 presidential election

Maimpluwensiyang si Ex-US VP Dick Cheney, kinumpirmang iboboto si Kamala Harris sa 2024 presidential election

— Advertisements —

Kinumpirma ni Republican at dating US Vice President Dick Cheney na iboboto niya si Democratic presidential candidate VP Kamala Harris sa halalan sa Nobiyembre ng kasalukuyang taon.

Ito ay kasunod ng pag-endorso ng kaniyang anak at dating Republican Representative for Wyoming na si Liz Cheney ngayong linggo.

Matatandaan, nagsilbi si Cheney bilang ika-46 na Ikalawang Pangulo ng Amerika sa ilalim noon ni Republican President George W. Bush mula 2001 hanggang 2009.

Sa isang statement, sinabi ng dating Bise Presidente na itinuturing rin bilang ma-impluwensiyang personalidad sa kasagsagsan ng pamumuno ni President Bush, na wala pa aniyang indibidwal na naging lubos na banta sa republika ng Amerika maliban kay Donald Trump na kasalukuyan ngang pambato ng Republican Party sa presidential elections.

Binanggit din nito ang pagtatangka ni Trump na agawin ang huling halalan sa pamamagitan ng paggamit ng mga kasinungalingan at karahasan para manatili siya sa kapangyarihan matapos na tanggihan siya ng mga botante. Kayat hindi na umano muling maipagkakatiwala sa kaniya ang kapangyarihan.

Bilang mamamayan, mayroon din aniyang tungkulin ang bawat isa na unahin ang bansa kesa sa partisanship para depensahan ang ating konstitusyon, ito aniya ang dahilan kayat ibibigay niya ang kaniyang boto para kay Harris.

Malugod naman na tinanggap ng kampo ni VP Harris ang naging pahayag ni dating VP Cheney.

Samantala, binanatan naman ni Trump si Cheney sa kaniyang naging pahayag at tinawag ang dating US Vice President bilang isa umanong irrelevant RINO na nanganghulugang “Republican in name only”. Inilarawan din ni Trump si Cheney bilang “King of Endless, Nonsensical Wars” dahil sa naging papel umano nito sa Iraq war.

Maliban naman kay Cheney, ilang Republicans na rin ang nagpahayag ng suporta para sa kandidatura ni VP Harris kabilang ang dose-dosenang dating opisyal sa ilalim noon ni dating Pres. George Herbert Walker Bush at Pres. George W. Bush.

CosmoNews

Comments are closed.

CosmoNews@2020. All Rights Reserved