Kasapi at recruiter ng NPA bulagta sa raid

Kasapi at recruiter ng NPA bulagta sa raid

Jorge Hallare (Pilipino Star Ngayon) – February 28, 2021 – 12:00am

CAMARINES NORTE , Philippines — Kapwa bulagta ang dalawang pinaghihinalaang kasapi at recrui­ter ng New People’s Army (NPA) matapos pumalag sa inilatag na search warrant operation ng mga pulis sa magkahiwalay na bayan ng Labo at Mercedes ng lalawigang ito kamakalawa

Unang bumulagta ang suspek na si Melandro Pardo Verzo ng Purok-3, Brgy. Talobatib, Labo.

Sa ulat, bitbit ang search warrant na inilabas ni Judge Arniel Da­ting ng Daet-RTC branch 41 ay sinalakay ng mga kasapi ng 2nd Police Mobile Force Company, Provincial Intelligence Unit,9th Special Action Company ng Special Action Force, Regional Special Operations Unit at Labo Police ang bahay ni Verzo dakong alas-2:30 ng madaling araw.

Gayunman, papalapit pa lang ang mga pulis ay pinutukan na sila ng suspek dahilan para gumanti ang mga operatiba na ikinasawi nito makaraang mapuruhan ng punglo sa katawan.

Nabawi mula kay Verzo ang isang kalibre 45 na submachine gun, tatlong improvised explosive device (IED), tatlong dinamita, isang granada at mga sangkap sa paggawa ng pampasabog.

Dakong alas-11:22 ng gabi nang sumunod namang mapatay si Ariel Avila Candelaria alyas “Ka Oca” matapos na maki­pagputukan umano sa mga pulis na maghahain sana ng search warrant sa bahay nito sa Purok-2, Brgy. Lanot, Mercedes. Nabawi sa rebelde ang hindi pa batid na kalibre ng baril.

CosmoNews

Comments are closed.