Umaasa ang Department of Justice (DOJ) na ituturing ni Vice President Sara Duterte ang inihaing criminal complaints laban sa kaniya bilang pagkakataon para linisin ang kaniyang pangalan.
Ginawa ni Justice spokerperson Mico Clavano ang naturang pahayag matapos opisyal na maghain ng rekomendasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) sa DOJ nitong Miyerkules ng incitement to sedition at grave threat complaints laban sa Bise Presidente.
Saad pa ni ASec. Clavano na umaasa silang dadalo ang Pangalawang Pangulo sa preliminary investigation sakaling siya ay ipatawag. Aniya, isa itong transparent process kayat nag-iingat din aniya sila dahil ito ay laban sa isa sa pinakamataas na opisyal ng ating bansa.
Karapatan din aniya ng Bise na magsumite ng kaniyang counter-affidavit bilang kaniyang depensa at gamitin ito bilang tiyansa para linisin ang kaniyang pangalan.
Nilinaw naman ni ASec. Clavano na ang inihaing complaints ng NBI laban kay VP Sara ay nananatiling nakabinbin sa National Prosecution Service (NPS) para ianalisa at tukuyin kung may “reasonable certainty of conviction”.
Nangangahulugan na maaaring maibalik ang naturang complaints sa NBI para sa karagdagang case build-up o magpatuloy sa preliminary investigation na magreresulta kalaunan sa paghahain ng mga kaso sa korte.
Inaasahan na aabutin lamang ng ilang araw ang pagsiyasat ng National Prosecution Service sa complaints.
Matatandaan nag-ugat ang naturang complaints laban kay VP Sara matapos niyang ibunyag sa isang online press conference noong nakalipas na taon na may inatasan na siyang pumatay kina Pres. Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay patayin.